Magsisimula na sa Lunes, ika-11 ng Mayo, ang operasyon ng mega swabbing center sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mga pribadong kumpanya ang nagtatag ng mega swabbing center na mayroong 72 test booths.
Ang mga samples na makukuha mula sa rito ay ipo-proseso ng Philippine Red Cross.
Ito na ang ikatlong swabbing center kasunod ng Palacio Del Maynila at Enderun Tent.
Halos 200 specimen umano ang kayang makuha sa tatlong swabbing center ng sabay-sabay.
Ayon kay Vince Dizon, kahapon lamang nasimulang mag-operate ang Palacio Del Maynila kung saan 250 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang agad na nakunan ng specimen.
Ngayong araw na ito naman anya nagsimula ang operasyon ng Enderun Tent.
Kumpiyansa ang COVID-19 Task Force na maaabot na ang target nilang momentum sa pagsasagawa ng mass testing sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Deputy Chief Implementer Vince Dizon, sabay-sabay nang mag-ooperate sa susunod na linggo ang tatlong swabbing centers na kinabibilangan ng mega swabbing center sa MOA Arena.
Sa kabila nito, sinabi ni Dizon na tinitiyak nilang maingat ang proseso ng testing mula sa pagkuha ng specimen hanggang sa pagdadala sa laboratoryo upang maiwasan ang mga pagkakamali.
Binigyang diin ni Dizon na kailangang mapataas nila ang testing capacity ng bansa bilang paghahanda na rin sa pagpasok natin sa new normal.
What we want to do, number one, is to already have the gap capacity — why — because capacity is important especially when we move into the new normal. Kasi, kapag kunwari nag-move tayo sa new normal, marami ng mga pumapasok, papaano pag nag-surge? Papaano pag merong second wave? Kailangan natin ‘yung capacity para ready tayo,” ani Dizon.