Nasundan pa ng mga awtoridad ang malaking operasyon kontra iligal na droga sa Candelaria, Zambales kung saan napatay ang 4 na Chinese Nationals at pagkakasabat ng 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P3-B.
Ito’y ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar matapos maaresto ang 3 pang Chinese Nationals sa ikinasang pursuit operations sa Brgy. Tipo, Hermosa, Bataan kahapon din.
Kinilala ang 3 naarestong mga drug suspek na sina Qing Chang Zhou alyas Ricky Chou, Cai Cai Bin alyas James at Joseph Chua gayundin si Longcai Chang na pawang mga taga Fujian, China kasalukuyang naninirahan sa Binondo, Maynila.
Nagresulta ito sa pagkakasabat ng may 80 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P544-M na ipinuslit ng 3 naaresto sa kasagsagan ng operasyon sa Zambales kaya sila naman ang isinunod ng mga tauhan ng PNP, PDEA, ISAFP at Bureau of Customs.
Dahil sa dalawang matagumpay na operasyon ng mga alagad ng batas, pumalo na sa 580 kilo ng shabu ang kanilang nasabat na nagkakahalaga ng halos P5-B na siyang pinakamalaki ngayong taon. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)