Lumantad na sa Camp Crame ang 3 aktibong heneral na idinawit ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang protektor ng illegal drugs trade.
Dumiretso sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sina Generals Joel Pagdilao, Bernardo Diaz at Edgardo Tinio na una nang nagtungo sa CIDG.
Sa press conference na isinagawa ni PNP Chief dela Rosa matapos ang pulong, sinabi nitong ‘purely intimate and personal’ ang naging pag-uusap nila ng 3 heneral na hindi uubrang isapubliko.
Idinagdag ng PNP Chief na tiniyak ng tatlo na 100 porsyentong ibibigay ang kooperasyon sa gagawing imbestigasyon ng NAPOLCOM.
Aniya sa ngayon ay ayaw nilang i-preempt ang imbestigasyon at hintayin na lang ang magiging resulta nito sa mga darating na araw.
Nang pilitin ng media na idetalye ang naging ‘intimate meeting’ nila ng 3 heneral, sinabi ni dela Rosa na baka tumulo ang luha niya at maiyak kapag pinilit siyang sabihin ang naging laman ng kanilang pagpupulong.
Ipinaabot din ng PNP Chief na mananatili siyang ama ng buong Kapulisan at sisiguraduhin ang ikabubuti ng lahat.
“I gave them the assurance na I’am their father, as a father I have to look for their welfare, pero kung may kasalanang nagawa they have to face the consequences.” Pahayag ni dela Rosa.