Naharang ng mga tauhan ng Quezon Provincial Police Office ang 3 van na naglalaman umano ng bultu-bultong iligal na droga.
Ito’y sa ikinasa nilang checkpoint sa bahagi ng National Highway, Brgy. Comon sa Infanta, Quezon dakong alas-4 kaninang madaling araw.
Ayon kay Quezon Police Provincial Director P/Col. Joel Villanueva, hindi bababa sa 10 ang naaresto na sakay ng 3 van.
Nakipag ugnayan aniya sa kanila ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation o NBI hinggil sa mga nabanggit na kontrabando kaya’t nagkasa sila ng checkpoint.
Agad itinurn over ng Quezon Police sa NBI Rizal ang mga naaresto gayundin ang mga nasabat na kontrabando na hindi pa matukoy ang dami at halaga. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)