Nasabat ng pinagsanib na pwersa ng NCRPO at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 30 kilo ng hinihinalang shabu sa isang condominium unit sa Pasig city.
Ayon sa NCRPO at PDEA, tinatayang umabot sa P204M ang halaga ng nakumpiskang iligal na droga.
Kasabay nito, naaresto ng mga otoridad ang suspek na kinilalang si Manolito Lugo Carlos alyas Lito at Tonge.
Sinasabing may kaugnayan sa mga nakakulong na drug personalities sa New Bilibid Prison (NBP) si Carlos bilang kanang kamay ng mga ito at tagapangasiwa sa distribusyon ng mga iligal na droga.
Kabilang din ang suspek sa listahan ng high profile drug personality at pangunahing target ng NCRPO.
Maliban naman sa iligal na droga, narekober din sa condominium ang iba’t ibang drug paraphernalia at bank deposit slips na sinasabing bayad sa transaksyon.