Tatlumpung (30) minahan sa bansa ang sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos ang isinagawang pag-audit sa may 41 metallic mines na may operasyon sa bansa.
Ito ang inihayag ni DENR Secretary Gina Lopez sa isinagawang press conference.
Ayon kay Lopez, naging maingat ang mga miyembro ng composite audit team sa pagbusisi sa operasyon ng minahan para alamin kung may mga paglabag sa Mining Act Law at sa usaping social at cultural values.
Sinabi ni DENR Undersecretary at Chairman ng Audit Team Leo Jasareno, sa 41 metallic mines, 11 minahan ang nakalusot sa audit habang nauna nang sinuspinde ang 10 minahan.
Gayunpaman, binigyan ng 7 araw ng DENR ang 20 minahan upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat tuluyang masuspinde ng DENR.
Kabilang sa mga malalaking minahan na binigyan ng pitong araw ay ang Agata Mining Ventures Inc. Oceanagold Philippines, SR Metals Inc, Benguet Corporation, at Marventures Mining and Development Corporation.
Habang ang mga nakalusot ay ang mga sumusunod; Philex Mining Corp, Rio Tuba, Carmen Copper Corp, Tech Iron, Cagdianao, Taganito, Platinum Group, Greenstone, Phil Saga, Pacific Nickel Phil., at Apex Mining.
Sinabi ni Lopez na pupulungin niya sa Huwebes ang 20 kumpanya ng alas-11:00 ng umaga habang sa hapon naman ang mga nakalusot na minahan.
By Avee Devierte