Sinalubong ng mga residente ng Cauayan City at Benito Soliven sa Isabela ang bagong taon sa mga paaralan na nagsisilbing evacuation centers.
Ito’y makaraang magsilikas ang may 30 pamilya dahil sa banta ng flashflood at landslide dahil sa walang tigil na pag-ulan sa nabanggit na lugar.
Nagsanib puwersa ang mga operatiba mula sa Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Dart Rescue 831, Philippine Army at PNP upang ilikas ang mga apektadong residente.
Nabatid na 27 mula sa 30 pamilya ang nakatira sa gilid ng bundok sa bahagi ng Sitio Barikir Yaben Norte sa Benito Soliven.
Una nang ibinabala ng PAGASA ang mga pagbuhos ng ulan partikular sa Hilagang Luzon bunsod ng umiiral na hanging amihan o northeast monsoon.
By: Jaymark Dagala