Mahigit 30 refugees at migrants ang nasawi matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa English Channel, na bahagi ng Atlantic Ocean na naghihiwalay sa Southern England at Northern France.
Ayon sa ulat, may lulang 34 na indibidwal ang inflatable boat kung saan 31 ang nasawi.
Dalawa naman ang nasagip na nakaranas ng severe hypothermia habang isa naman ang nawawala.
Nanggaling sa France ang naturang bangka at tinatahak ang English Channel patungong England.
Tinawag ang insidente bilang pinakamalalang trahedya kung saan itinuturing ang mga nasawing migrants bilang biktima ng mga smuggler.
Nangako naman si French President Emmanuel Macron, na tutugisin ang mga responsable sa insidente. —sa panulat ni Hya Ludivico