TULOY na tuloy ang Konsyerto sa Palasyo (KSP) na inaasahang panonoorin ng daan-daang mga atleta bandang alas-6:30 ng gabi sa Linggo, Agosto 6.
Ito ang kinumpirma ni Dir. Anna Cristina “Kris” Villonco ng Broadcast Production ng Presidential Communications Office (PCO) kung saan bahagi aniya ito ng concert series na sinimulan noong Abril ngayong taon ng Office of the President, PCO at Radio Television Malacañang (RTVM) bilang suporta sa creative industries na nasapol ng pandemya.
Layunin ng konsiyerto na kilalanin ang husay at galing ng mga masisipag at world-class athletes sa bansa at sa kabilang banda’y makahanap din ng mga bagong usbong na artist at mabigyan sila ng pagkakataong makapagtanghal sa “People’s Palace”.
Tampok sa KSP ang powerhouse vocalists na sina Chloe Redondo, Emman Buñao, Jopper Ril at Kevin Traqueña, kasama ang mga beatbox artists na sina Adrian “Ad Beat” Ferrer at Neil Rey Llanes.
Magkakaroon din ng special performances si The Voice France Season 8 contestant Aivan Mendoza, gayundin ang a capella group na Pinopela mula Baguio City, at maging ang professional dance group Douglas Nierras Powerdance.
Ayon kay Villonco, karamihan sa mga magtatanghal ay nagkaroon na ng viral videos sa social media sa kani-kanilang larangan.
Pinamagatang “Konsyerto sa Palasyo: Para sa Atletang Pilipino,” ang event ay inaasahang panonoorin din ng mahigit tatlong daang atleta mula sa iba’t ibang sports at ipapalabas nang live sa official social media pages ng Konsyerto sa Palasyo at RTVM.