Nakatakdang ilikas ng Chinese government ang nasa 300 nilang mga mamamayan na na-stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ibang lugar sa bansa.
Ito ay matapos magkansela ng flights mula at patungong China ang ilang mga airlines bunsod pa rin ng pangamba sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).
Ayon kay Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval, nakikipag-ugnayan na sila sa Chinese embassy hinggil sa repatriation ng mga stranded Chinese nationals.
Aniya, posibleng magpadala na lamang ng sariling eroplano ang Chinese government para sunduin ang kanilang mga mamamayan.
Sinabi ni Sandoval, kanilang inaasahang makapagbibigay na ng detalye hinggil sa nabanggit na repatriation ang Chinese embassy sa mga susunod na araw.