Apektado ng water service interruption ng Maynilad sa magkasunod na araw ang 300 customers nito sa Metro Manila at Cavite.
Ayon sa Maynilad, magsasagawa sila ng maintenance work sa kanilang water treatment plant sa Quezon City kayat puputulin muna nila ang supply ng tubig mula alas 8:00 ng umaga bukas, June 11 hanggang alas 4:00 ng hapon ng Miyerkules, June 12.
Kailangan nilang ibalik ang rapid mixer sa La Mesa Treatment Plant 1 na inalis noong Abril para isailalim sa repair.
Apektado ng water interruption mula bukas ng alas 8:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi ang mga barangay ng Bangkal, Magallanes, Palanan, Pio Del Pilar at San Isidro sa Makati City, Brgy 144 sa Pasay City, Brgys San Jose, Sipac-Alacen at Tanza sa Navotas at malaking bahagi ng Maynila, Quezon City at Malabon.
Samantala, alas 9:00 ng umaga bukas hanggang alas 6:00 ng umaga kinabukasan apektado ng water interruption ang tatlong barangay sa Imus City sa Cavite at alas 10:00 ng umaga ng June 11 hanggang ala 1:00 ng madaling araw ng June 12 ang malaking bahagi ng Imus City at Las Piñas.
Alas 11:00 ng umaga hanggang alas 11:00 ng gabi ng June 11 ay mawawalan ng tubig ang malaking bahagi ng Cavite City, Noveleta at Rosario City sa Cavite gayundin ang iba pang bahagi ng Imus.
Alas 11:00 naman ng umaga bukas hanggang ala 1:00 ng madaling araw ng June 12, apektado ng water interruption ang mga barangay ng BF Homes, Don Bosco, Marcelo Green Village, San Antonio, San Isidro at San Martin De Porres sa Paranaque City.