Bibigyan ng pagkakataon ang tatlong daang (300) establishments sa Boracay para sumunod sa environmental laws.
Ayon ito kay Environment Undersecretary Jonas Leones matapos magbanta si Department of Environment and Natural Resources o DENR Secretary Roy Cimatu na ipapasara ang mga naturang establishments kapag bumagsak sa inspeksyon.
“Siguro hindi naman lahat itong 300 establishments ay talagang nagpo-pollute pero ito ang target namin na sa tingin namin na kung talagang hindi nila inaayos ang basura nila ay talagang itong 300 na ito ay kailangang ipasara ng DENR para mag-comply hindi lang sa directive ng Pangulo kundi para malinis na ang isla ng Boracay.” Ani Leones
Ipinabatid ni Leones na bago pa man magbanta ang Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasara ang buong Boracay, nag-isyu na si Secretary Cimatu ng notice of violations sa limampu’t limang (55) establishments sa naturang isla.
“We have already issued notice of violation to 51 establishments, we are now requiring them to address their pollution, ang ginagawa natin may mga prosesong susundin pero ang kailangan natin to comply with the directive of the President and DENR Secretary Roy Cimatu na paigtingin ang enforcement ng batas, paiiksiin natin ang mga proseso para hindi masabi na arbitrary ang pagpapasara natin doon, kailangan may basehan.” Pahayag ni Leones
‘In 6 months’ time’
Samantala, kulang ang anim na buwang ultimatum na ibinigay ng Pangulong Rodrigo Duterte para maresolba ang environmental issues sa isla ng Boracay.
Ayon ito kay Aklan Vice Governor Reynaldo Quimpo dahil ang nasabing time frame aniya ay para lamang sa inspeksyon.
Sinabi ni Quimpo na dapat masimulan ng gobyerno ang mga hakbangin para sa rehabilitasyon ng isla.
Wala din aniya sanang magiging problema kung sumusunod lamang ang mga malalaking negosyante sa Boracay sa mga ordinansa at environmental laws.
Tiniyak naman ni Quimpo ang buong suporta sa mga mabubuong programa ng gobyerno para masolusyunan ang sewerage system at pagiging overcrowded ng Boracay.
(Ratsada Balita Interview)