Target ng Department of Health (DOH) na makapag-deploy ng nasa 300 healthcare volunteers na magpupuno sa workforce sa iba’t ibang laboratoryo sa buong bansa sa pagsisimula ng massive coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing.
Ayon kay Health undersecretary Maria Rosario Vergeire, katuwang ng DOH ang University of the Philippines (UP), bubuo sila ng mga volunteer na kinabibilangan ng medical technologist, molecular biologists, laboratory technicians at researchers.
Sa pamamagitan din aniya ng biosafety course online na inorganisa ng UP Manila, kanilang nabuo ang karagdagang 1,429 na volunteers.
Sinabi ni Vergeire na sa pamamagitan nito ay matitiyak natin na may sapat na health worker sa bawat pasilidad sa buong bansa.