Nagbigay ng paglilinaw si Presidential Spokesman Harry Roque sa pahayag nya na walang programa ang pamahalaan sa mass testing at ipina-uubaya nila ito sa pribadong sektor.
Ayon kay Roque, ang tinutukoy nyang programa sa mass testing ay pagtest sa lahat ng mamamayan ng bansa na tulad ng tinangkang gawin ng Wuhan sa 11-milyon nilang mamamayan.
Wala naman anyang kahit anong bansa sa mundo ang mayroong programa at kakayanan na i-COVID-19 test ang lahat ng kanilang mamamayan.
Sinabi ni Roque na ang sinusundan nilang yapak ay sa South Korea na i-test ang 0.5% hanggang 2% ng kanilang papulasyon.
Iginiit ni Roque na target na maabot ng bansa ang 30,000 COVID-19 test kada araw sa katapusan ng Mayo.