Mahigit 30,000 pulis ang ipakakalat sa buong bansa ngayong Semana Santa.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, layon ng naturang hakbang na matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Hinimok din ni Mayor ang taumbayan na makipag-ugnayan sa PNP sa cellphone number 0917-847-5757 sakaling may emergency.
NCRPO
Kaugnay nito, nasa full alert na ang PNP-National Capital Region Police Office para ngayong Semana Santa.
Ayon kay Mayor, layon nito na matiyak ang sapat na bilang ng mga pulis na magpapatupad ng seguridad sa buong Metro Manila lalo na sa mga lugar na puntahan ng mga tao ngayong Semana Santa.
Samantala, ipinauubaya na anya nila sa iba’t ibang regional offices ng PNP ang pagdedeklara ng lebel ng alerto sa kanilang nasasakupang lugar.
Ang kabuuan naman anya ng PNP ay nananatili sa hightened alert sa buong kapuluan.
“Ang isang factor kung bakit tayo naka-heightened alert is to ensure the presence of course ng mga personnel natin sa mga istasyon at opisina dahil nga sa demanding situation gaya ngayon Holy Week, Lenten season.” Ani Mayor.
“Naglalagay tayo ng mga police assistance desk sa mga terminal, seaports, airports, sa mga lugar na sinasambahan ng ating mga kababayan dahil Holy Week nga, and then maraming pumupunta sa mga tourist spots, Baguio, Boracay, Cebu, palawan kaya kailangang bantayan din natin yun, on the other hand syempre yung mga maiiwan dito sa Metro Manila kailangang bantayan din natin yun.” Pahayag ni Mayor.
Northern Mindanao
Lalo pang pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang security measures sa Northern Mindanao para sa Semana Santa.
Ayon kay Police Regional Office 10, Spokesman Supt. Surki Sereñas, ipinag-utos na ng kanilang hepe na magpakalat ng karagdagang pulis sa mga terminal, airport, seaport, highway, mall, simbahan at maging sa mga resort upang matiyak na matiwasay ang pag-obserba sa Holy Week.
Dagdag pa ni Sereñas, mayroon silang itinalagang police assistance desk para maserbisyuhan ang pangangailangan ng publiko.
Maliban dito, mayroon ding passenger assistance centers na matatagpuan sa mga terminal, paliparan at daungan.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Meann Tanbio