Inaasahang aabot sa 30,000 mga operators at drivers ng TNVS o Transport Network Vehicle Services ang makikiisa sa ikinasang transport holiday ngayong araw.
Ito ay bahagi ng kanilang protesta laban sa pagbabawal sa mga hatchback na sasakyan na gawing TNVs at umano’y pahirapang pagkuha ng permit mula sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Mag-o-offline o magpapatay ng app ang mga TNVs drivers at operators sa loob ng 12 oras o sa maghapon at pansamantalang hindi tatanggap ng mga pasahero.
Isasagawa naman ang protesta mula ala 6:00 na umaga hanggang ala 7:00 ng gabi sa loob ng Quezon Memorial Circle sa Quezon City at Diokno Avenue malapit sa Senado sa Pasay City.
Samantala, tuloy naman ang ipinatawag na diyalogo ng LTFRB a mga TNVs operators, drivers at iba pang stakeholders para dinggin ang kanilang mga hinaing bukas.
Mga TNVs drivers at operators hindi pipiliting sumali sa tigil pasada
Hindi pipilitin ang mga drivers at operators ng TNVs o Transport Network Vehicle Services na mag-offline ng kanilang system kasabay ng ikinasang tigil pasada ngayong araw.
Ito ang nilinaw ng mga grupong laban TNVs, LCSP o Lawyers for Commuters Safety and Protection at Defens Job Phil’s.
Ayon kay LCSP President at dating LTRFB board member Atty. Ariel Inton, kanilang nirerespeto ang kalayaan ng mga drivers at operators na sumama o hindi sa kanilang tigil protesta na anila’y para na rin sa kapakanan ng mga mananakay.
Una nang pinangangambahang malaking bilang ng mga pasahero ang mahihirapan sa pagbo-book at tatamaan ng surge o mataas na pasahe dahil sa transport holiday.
Samantala, kasabay ng kilos protesta, maghahain naman ng reklamo ang mga TNVS hatchback operators sa Office of the Ombudsman laban sa LTFRB.