Naglabas ng panibagong kautusan ang pamahalaan ni American President Donald Trump na naglalayong walisin ang mga illegal immigrant kung saan tatamaan ang labing-isang (11) milyong undocumented foreigners.
Batay sa pinakahuling report, aabot sa mahigit tatlong daang libong (300,000) Filipino ang iligal na naninirahan sa Estados Unidos.
Paliwanag ni John Kelly, kalihim ng DHS o Department of Homeland Security na siyang naglabas ng kautusan, layon ng kautusang ito na matugunan ang lumalalang problema sa illegal immigration na nakakaapekto sa government resources.
Ayon kay Kelly, bunsod ng pagbuhos ng illegal immigrants sa southern border ay nahihirapan na ang US government at nalalagay sa alanganin ang national security.
Ibinabala naman ng mga human rights group na ang ginagawang “witch hunt” at binabalak na “mass deportation” ng Trump administration ay maaaring makasira sa mga pamilyang matagal nang naninirahan sa Amerika at posible rin itong makaapekto sa ekonomiya.
By Jelbert Perdez