Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pormal na pagbubukas ng 30th ASEAN o Association of Southeast Asian Nations Summit sa PICC Plenary Hall ngayong araw.
Personal na winelcome ng Pangulo kasama ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña ang siyam (9) na heads of state na dumadalo sa pagpupulong.
Kabilang dito sina Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, Cambodia Prime Minister Hun Sen, Indonesia President Joko Widodo, Lao Prime Minister Thongloun Sisoulith, Malaysia Prime Minister Najjib Razak, Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi, Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong, Thailand Prime Minister Prayut Chan-o-cha at Vietnam Prime Minister Nguyen Xuan Phuc.
Sa naging talumpati ng Pangulo sinabi nitong isang malaking karangalan sa Pilipinas na maging host ngayong taon kung kailan ipinagdiriwang din ang ika-50 taon ng ASEAN.
Binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng mutual respect, sovereignty, territorial at national integrity sa mga bansang kasapi ng ASEAN.
Aniya nananatiling prayoridad ng samahan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon kabilang na ang pagsiguro sa seguridad at pag-unlad ng ekonomiya.
Inihimok din ng Punong Ehekutibo ang isang drug-free ASEAN at paglaban sa iligal na droga na aniya’y sumisira sa komunidad.
Nagpasalamat din ang Pangulong Duterte sa walang sawang tulong na ibinibigay ng ASEAN sa Pilipinas lalo na sa panahon ng pangangailangan at kalamidad kasabay ng pagtitiyak na nakahanda rin ang bansa na umagapay sa mga nangangailangan ng tulong sa loob man o labas ng rehiyon.
Unang nabuo ang 10-member regional bloc sa Bangkok, Thailand noong August 8, 1967 nang pirmahan ng five founding members—ang Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore at Thailand ang ASEAN declaration.
By Aiza Rendon
PHOTO: PIA
30th ASEAN Summit pormal nang nagbukas was last modified: April 29th, 2017 by DWIZ 882