Bilang ng napatay sa one-time big time anti-illegal drugs operations ng pulisya sa Bulacan pumalo na sa 32
Pumalo na sa 32 ang kabuuang bilang ng napatay sa one-time big time anti-illegal drugs operations ng pulisya sa probinsya ng Bulacan.
Ayon kay Bulacan Provincial Director Senior Superintendent Romeo Caramat, 49 na buy bust operations at 14 na search warrant implementation ang magkakasabay na isinagawa ng pulisya sa loob lamang ng 24 oras.
Ani Caramat, maliban sa mga napatay ay umabot sa 107 ang naarestong mga drug suspect ng mga otoridad.
Kasabay nito, narekober din ng pulisya ang nasa 34 na mga matataas na kalibre ng armas at kabuuang 234 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng nasa isang milyong piso.
Dagdag ni Caramat, nangunguna na ang Bulacan sa mga probinsya sa Region 3 na may pinakamaraming napapatay na drug suspects matapos maitala ang pinakamalaking bilang ng napatay na drug suspect sa loob lamang ng isang araw na operasyon.
Samantala, nakahanda ang Bulacan Provincial Police Office na humarap sa anumang imbestigasyon.
Sa press briefing sa Kampo Krame, nanindigan si Bulacan Provincial Police Office Director Romeo Caramat na lehetimo ang kanilang ginawang operasyon at kanilang nasunod ang standard operating procedure ng Philippine National Police (PNP).
Ani Caramat, hangga’t maaari ay ayaw nilang may mapatay pero aniya hindi nila kontrolado ang mga nanlalaban na suspek.
Giit pa ni Caramat, hindi lamang maliliit na drug suspect ang kanilang naka-engkwentro at karamihan ay mga notorious drug personality.