Hindi umano maaaring gamitin ni Vice President Sara Duterte ang kanyang mandato upang pigilan ang impeachment process laban sa kanya.
Ito, ayon sa Commission on Elections, ay kahit pa umani ng tatlumpu’t dalawang milyong boto ang pangalawang pangulo noong 2022 elections.
Ipinaliwanag ni COMELEC Chairman George Garcia na kahit pangulo ay maaaring ma-subject sa tinatawag na impeachment.
Hindi naman anya nangangahulugan ang impeachment na mapapatalsik sa posisyon ang isang opisyal dahil kailangan pang sumailalim ito sa paglilitis ng senado.
Pero kung mapapatunayang guilty, ipinunto ni Garcia na maaaring matanggal sa pwesto ang Bise Presidente at harapin ang iba pang criminal complaints.
Makailang ulit nang tinanggihan ni Duterte ang panawagang magbitiw sa pwesto sa gitna ng imbestigasyon sa sinasabing iregularidad sa paggamit sa daan-daang milyong pisong confidential funds noong 2022 at 2023.