Nanawagan ng pagkakaisa si dating Pangulong Fidel Ramos gaya noong panahon kung saan nagsama-sama ang lahat para patalsikin ang rehimeng Marcos.
Ayon kay Ramos, kapansin-pansin kasing sa panahong ito ay hindi na nagkakaisa ang mga Pilipino.
Sinabi ng dating pangulo na hirap na umusad ang Pilipinas dahil sa sigalot at iringan ng iba’t ibang sektor ng lipunan at maging ang mga nasa sangay ng pamahalaan.
Ipinaalala ni Ramos na noong panahon ng EDSA People Power Revolution, nagkaisa ang mga Pilipino sa kabila ng mga pagkaka-iba iba para sa inaasam na pagbabago sa lipunan.
Samantala, nanawagan din si Ramos sa mga kabataan na muling sariwain ang diwa ng EDSA at magsilbing panibagong simbolo para sa muling panunumbalik ng sigla ng bansa.
Samantala, hinimok naman ni Senador Bam Aquino ang mamamayan na buhayin ang diwa ng EDSA sa pamamagitan ng pagsasalita laban sa fake news at mga pekeng impormasyon.
Pinuna ni Aquino na sa halip na tangke, mga pekeng impormasyon at pekeng balita na ngayon ang kaharap ng publiko sa EDSA.
Ayon kay Aquino dapat alalahin ng taongbayan kung ano ang mga ipinaglaban ng EDSA People Power Revolution.
Ang mapayapang rebolusyon sa EDSA noong 1986 ang tumapos sa mahigit dalawampung (20) taong panunungkulan ni Ferdinand Marcos bilang presidente.
By Len Aguirre / (Ulat ni Cely Bueno)