Patay matapos mahit-and-run ang isang 33-anyos na babae sa kahabaan ng General Ordoñez Street, Barangay Marikina Heights, Marikina City.
Kinilala ang biktima na si Delsyn Mangui, isang Marketing Manager at residente ng lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, makikitang nakaangkas ang biktima sa motor ng kaniyang boyfriend pero bigla na lamang itong nahulog at nawalan ng malay.
Agad na itinabi ng nobyo ang kaniyang motor saka pinuntahan ang biktima pero nasagasaan ito ng humaharurot na kotse.
Sinubukan pang dalhin sa amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival.
Sa pahayag ng Marikina Traffic Investigation Unit, hirap pa rin silang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver na responsable sa pangyayari na posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide. —sa panulat ni Angelica Doctolero