Napasama sa listahan ng mga napalayang preso sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na isinumite ng Bureau of Corrections (BuCor) sa senado ang isang nag-ngangalang Janet Lim Napoles.
Ngunit makikita sa naturang listahan na ang kasong kinakaharap ni Napoles ay ‘rape’ na napalaya na nuong November 2018 at hindi ‘plunder’ kung saan nahatulan ang tinaguriang “pork barrel queen”.
Dahil dito, agad na iniutos ni Justice Undersecretary Deo Marco, na namumuno sa komite na nag-aaral ng regulasyon sa BuCor, ang imbestigasyon sa naturang listahan.
Ayon kay Marco, kaniyang beberipikahin sa BuCor na kung talagang ang pork barrel queen ang nasa listahan, bakit rape ang kasong nakalagay dito, at kung papaano rin siya napasama sa listahan.
Sinabi rin ni Marco na maaaring mali ang listhang inilabas ng BuCor dahil maski ang Philippine National Police (PNP) aniya ay nagrereklamo hinggil dito.
Maaari umano silang maglabas ng mas maayos na listahan kung saan nakalagay ang mga napalaya na sa bisa ng GCTA.
Magugunitang nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong nuong December 2018 si Napoles dahil sa kasong plunder matapos mapatunayan ang pagdaan ng bilyon-bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng ilang Kongresista sa kaniyang mga bogus na Non-government Organizations (NGO).