Muling pina-alalahanan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga kawani ng pamahalaan na bawal ang pagtanggap ng anumang regalo, ngayong nalalapit na ang Pasko.
Alinsunod sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, bawal sa isang government worker ang mag-solicit o manghingi ng regalo sa sinumang may transaksiyon sa pamahalaan.
Ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada, dapat magsilbing mabuting halimbawa ang mga government employee o head at iwasang mag-solicit o manghingi ng regalo sa sinumang may transaksyon sa gobyerno.
Ang sinumang kawani na mapatutunayang sangkot sa pagtanggap ng regalo o pabor ay posibleng masibak sa pamahalaan habang mananagot din sa batas ang mga magbibigay na pribadong indibidwal.
Bukas anya ang CSC para sa sumbong at reklamo hinggil sa “No Gift Policy” hindi lang ngayong Pasko kundi sa buong taon.
Sa panig naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) tiniyak nito ang mahigpit na pagpapatupad ng “No Gift Policy” o nagbabawal sa mga empleyadong tumanggap o humingi ng regalo.
Inihayag ni BIR – Southern NCR Director Jethro Sabariaga na malaking tulong ang digitalization sa pagproseso ng mga aplikasyon at dokumento On-line upang maiwasan ang panunuhol o pangingikil.