Makatatanggap ng unang batch ng bakuna kontra COVID-19 ng Pfizer – Biontech ang 34 mga ospital sa Metro Manila, Cebu at Davao .
Ayon kay Health Undersecreatry Maria Rosario Vergeire, 32 sa mga ospital na ito ay sa Metro Manila habang tig-isa naman sa Cebu at Davao.
Sinabi ni Vergeire, halos naisumite na ng mga naturang ospital ang kumpletong listahan ng kanilang vaccine recipients o makatatanggap ng bakuna kontra COVID-19 matapos ang pakikipagpulong ng DOH noong nakaraang linggo.
Gayunman, mayroon pa rin aniyang iilang ospital ang kulang pa o hindi pa kumpleto ang kanilang “quick substitution list” o back up recipient sakaling hindi dumating ang nakatakdang bakunahan.
Sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na kumpletong listahan ng mga ospital na unang makatatanggap ng bakuna kontra COVID-19 ang DOH, bagama’t una na nilang sinabi na kabilang rito ang mga COVID-19 referral centers tulad ng PGH, lung center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at East Avenue Medical Center.