Mahigit tatlumpu’t apat na libong (34,000) mga indibiduwal ang inaasahang boboto sa ilalim ng local absentee voting system sa darating na may midterm elections.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), kabilang sa naturang bilang ang 21,488 Philippine Army personnel, 8,501 mula sa Philippine National Police at 2,335 mula naman sa Philippine Air Force.
Boboto rin sa ilalim ng local absentee voting ang kawani ng Department of Education, Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Bureau of Jail Management and Penology.
Kasama rin dito ang 481 na miyembro ng media.
Maaari nang maunang bumoto ang naturang mga indibiduwal mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa April 29 hanggang 30 at sa Mayo 1.
Pinapayagan ng Comelec ang local absentee voting na bumoto sa national post tulad ng mga senador at party-list group para sa mga miyembro ng ilang sektor na mayroong mahalagang papel sa mismong araw ng halalan.
—-