Ginugunita ngayong araw, ika-25 ng Pebrero, ang ika-34 na anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution na itinuturing na pinakamapayapang pag-aaklas.
Ito ang nagbigay daan para sa pagbagsak ng diktaturya sa ilalim ni dating pangulong Ferdinand Marcos, gayundin ang pagbabalik ng demokrasya sa bansa.
Ngayong taon, may tema ang selebrasyon ng EDSA People Power anniversary na “Pamilyang Matatag, Sandigan sa Pag-unlad”.
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), nakatutok ito sa pagbibigay seguridad sa bawat pamilyang Pilipino laban sa pagkasira bunsod ng komunista at teroristang grupo.
Gayundin anila ang kahalagahan ng tungkulin ng mga pamilya para sa pagbibigay proteksyon sa mga kabataan at iba pang mahihinang grupo.
Kaugnay nito, ilang mga aktibidad ang nakatakdang isagawa ngayong araw para sa EDSA family day na kinabibilangan ng fun run, medical mission, mini concert at bazaars.
Inaasahan din ang isang programa sa EDSA People Power monument na gaganapin mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga.