Nagpositibo sa UK variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang 35-anyos na lalaking taga-Liloan sa Cebu.
Ang nasabing lalaki ayon sa Department of Health (DOH) ay pansamantalang naninirahan sa Riverside, Brgy. Commonwealth, Quezon City kung saan isasagawa ang contact tracing at testing.
Nabatid na ang naturang lalaki ay naka-quarantine na dahil sa COVID-19 sa isang apartment kasama ang isa pa at ang samples niya ay na-sequence na sa Philippine Genome Center.
Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na kaagad ding ililipat ang nasabing lalaki sa Hope facility anumang oras ngayong araw na ito.
Ang naturang lalaki, ayon sa DOH, na ika-walong UK variant case sa bansa ay dumating sa bansa noong Agosto ng taong 2020 mula sa South Korea kung saan siya Overseas Filipino Worker (OFW) at nanatili sa Cebu.
Ika-17 ng Nobyembre nang lumipat ng Sucat, Parañaque at ilang beses na nagtungo sa isang manning agency sa Malate, Maynila ang pasyente na ang huling bisita rito ay nitong nakalipas na ika-14 ng Enero.
Habang naghihintay ng kanyang deployment, sumakay ang lalaki ng taxi at nanatili sa isang hotel sa Maynila noong ika-17 ng Enero at sumalang sa swab test sa Pasay City sa parehong araw at kinabukasan ay nasabihang positibo sa COVID-19at ika-21 ng Enero ay dinala na ito sa isang apartment sa Riverside sa pamamagitan ng isang taxi na kinontak ng kanyang manning agency.