Sumampa na sa 35 construction workers ang nailigtas ng mga rescuers sa India sa loob ng tunnel ng hydroelectric dam na pinagtatrabahuan ng mga ito , dalawang araw matapos umapaw ang dam dahil sa pagguho ng Himalayan glaciers.
Kabilang ang mga construction workers sa 197 katao na pinaghahanap ng mga rescuers na naapektuhan ng malaking pagbaha.
Ayon sa mga otoridad, karamihan sa mga nawawala ay maaaring mga manggagawa mula sa Tapovan Vishnugad hydroelectric project kung saan matatagpuan ang lagusan o di kaya’y mula Rishiganga dam.
Samantala, pumalo na sa 28 bangkay ang nakuha ng mga rescuers ngayong Martes at patuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operation sa mga lugar na niragasa ng baha na nasasakupan ng Uttarakhand.
Inaasahang ng pamahalaan ng India na may mga masasagip pang buhay sa mga manggagawang na-trapped sa tunnel. — sa panulat ni Agustina Nolasco