Mas maraming Pinoy ang nagsasabing hindi sila sigurado kung sila ay magpapabakuna kontra COVID-19.
Ito’y batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) kung saan may katanungan na “kung bibigyan ka ng pagkakataon sa libreng bakuna para maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19 at ito ay aprubado ng FDA, ikaw ba ay magpapabakuna?”
Lumabas sa survey na 35% ng mga Filipino ang nagsabing hindi sigurado kung sila ay magpapabakuna.
33% naman ang ayaw magpabakuna habang 32% naman ang handang magpaturok.
Samantala sa kaparehas na survey, lumabas naman na kalahating porsyento ng mga Pinoy ang kumpiyansa sa ginagawang ebalwasyon ng gobyerno sa mga bakuna kontra COVID-19.
51% ng mga Filipino ang nagsasabing “confident” sila sa pangangasiwa ng gobyerno sa COVID-19 vaccines, 31% ang hindi sigurado at 17% naman ang hindi nagtitiwala.
Karamihan sa mga natitiwala ay mula sa Mindanao na mayroong 58%, sinundan ng Visayas na mayroong 55%, sa Metro Manila ay mayroong 49% habang mayroong 47% mula sa iba pang bahagi ng Luzon.
Isinagawa ang survey noong April 28 hanggang May 2, 2021.