Tatlumpu’t limang (35) pasahero ng MV Grand Princess na naka-quarantine sa California ang nakitaan ng sintomas ng flu.
Ipinabatid ni Mary Ellen Carroll, pinuno ng San Francisco Department of Emergency Management na ipinatutupad na ang testing protocols sa barko at uunahing suriin ang mga pasahero at crew na mayroong sintomas.
Kapag lumabas na ang resulta ng pagsusuri sa kanila at kung mayroong magpopositibo, dedesisyunan ng Centers for Disease Control and Prevention at California State Health Department kung saan ang pinakamabuting lugar para padaungin ang barko.
Sa pagtukoy ng lugar, isasaalang-alang ang kaligtasan ng mga residente sa komunidad at gayundin ang kaligtasan ng mga pasahero at crew.
Nasa 3,500 sakay ng barko, kabilang ang 2,383 pasahero at 1,100 crew members kung saan bahagi nito ang mahigit 500 Pilipino.
Ang nasabing barko ay hinarang matapos mag positibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19) at masawi sa California ang naging pasahero nito sa naunang Mexico voyage.
Sa ngayon ay mayroon pang 62 pasahero ang nananatili sa barko na nakasabay sa nasabing voyage ng nasawing pasahero.