Binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang 350 ng residente ng lungsod na natukoy na kapitbahay ng 35 anyos na OFW na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19.
Ayon kay Quezon City Epidemiology and Diseases and Surveillance Unit Head Dr. Rolly Cruz, tinututukan nila ang tracing at interview sa mga indibiduwal na nakatira sa loob ng 50 meter radius ng apartment kung saan tumuloy ang nagpositibong OFW.
Aniya, sa mahigit 300 natukoy na indibiduwal, walo ang nakitaan ng sintomas ng COVID-19 at kasalukuyang isinasailalim sa home quarantine.
Samantala, nasa 106 nanamn ang naisalang na sa swab test at hinihintay na lamang ang resulta ng kanilang pagsusuri.
Sinabi naman ni Cruz na bagama’t marami-raming residente ang kanilang mino-monitor, hindi pa rin nila mairerekomenda ang pagpapatupad ng lockdown dahil wala pang natutukoy na clustering kaso.
Una na ring inanunsyo ni Q.C. Mayor Joy Belmonte na nagnegatibo na sa COVID-19 ang OFW na nakitaan ng UK variant matapos isalang sa re-swabbing habang naka-quarantine ito sa Hope Facility.