Target ng National Housing Authority (NHA) na tapusin ang konstruksyon ng nalalabing 35,000 housing unit para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda sa susunod na taon.
Sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai na panahon na para tuparin ang pangakong pabahay ng NHA na matagal nang “overdue”.
Ayon kay Tai, walang balak ang kanilang ahensya na paabutin ng ika-10 anibersaryo ng pananalasa ng bagyo ang pabahay dahil malapit na nilang makumpleto ang kabuuang 209,218 housing units sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, nasa 95% nang tapos ng NHA ang Yolanda Housing Program o katumbas ng 165,383 housing units at 211 projects na na-i-turn over na sa mga Local Government Unit (LGU). - sa panulat ni Hannah Oledan