Patay ang nasa 36 ka-tao habang sugatan naman ang 145 dahil sa malakas na pagbaha bunsod ng matinding pag-ulan at iba pang rain-related incidents sa Pakistan.
Ayon sa National Disaster Management Authorities (NDMA), nasa pitong bata at limang babae ang namatay sa insidente.
Dagdag ng NDMA, pinaka-grabeng natamaan ang Southern Sindh province na may naitalang 18 patay at 128 sugatan.
Sinundan naman ito ng Northwest Khyber Pakhtunkhwa province na may 11 patay, at Eastern Punjab province na may naitalang pitong namatay.
Ayon sa report, 27,870 na bahay ang nasira sa Pakistan kung saan 10,860 ang lubusang nasira at 17,010 naman ang bahagyang nawasak.
Pumalo na sa 728 ang bilang ng namatay sa Pakistan bunsod ng monsoon rain mula kalagitnaan ng Hunyo ng kasalukuyang taon. – sa panulat ni Hannah Oledan