Planong magsagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng pagsusuri sa mga gusali sa Metro Manila at mga karatig-lugar upang matiyak ang katatagan ng mga ito dahil sa pinangangambahang pagtama ng “The Big One”.
Ayon kay DILG Undersecretary for Local Government Marlo Iringan, gagamitin ng ahensya ang “Harmonized Infrastructure Audit” Tool upang magkaroon ng pambansang pamantayan sa pagsusuri ng katatagan ng mga public infrastructures laban sa malakas na lindol.
Sinabi ni Usec. Iringan na unang gagamitin ang audit tool sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Tagalog.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga educational institution upang makatulong ang mga fourth at fifth year Engineering Student sa gagawing assessment.
Batay sa PHIVOLCS, may tinatayang mahigit 3,000 istruktura ang nakatayo sa kahabaan ng West Valley Fault.—sa panulat ni John Riz Calata