Aabot sa 368 tauhan ng Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ipinadala sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay NCRPO Director P/Bgen. Debold Sinas, ang mga ito aniya ang magbabantay sa critical areas ng NBP lalo na sa maximum security compound.
Sa isinagawang send-off ceremony kahapon sa Kampo Bagong Diwa sa Taguig City, mahigpit na binilinan ni Sinas ang mga pulis hinggil sa mga ipinatutupad nilang panuntunan sa loob ng pambansang piitan.
Bawal ang paggamit ng cellphone gayundin ng iba pang mga electronic gadgets, pagsusuot ng alahas habang naka-duty at pakikipag-usap sa mga inmates maliban na lang kung lubhang kinakailangan.
Mahigpit ding ipatutupad ang tamang bihis ng uniporme sa lahat ng pulis at magkakaroon din ng personnel accounting bago sila i-deploy.
Magsisimula ang operational shifting ng mga tauhan ng NCRPO sa loob ng bilibid, 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi lamang.