Kanselado ang tatlumpu’t walong (38) flights ng Cebu Pacific at CebGo ngayong araw.
Paliwanag ng Cebu Pacific, bunsod ito ng pinalawig na maintenance shutdown sa Tagaytay air traffic radar.
Kabilang sa mga apektadong flight ay ang mga biyahe mula Maynila patungo ng Bacolod, Cagayan de Oro, Caticlan, Cebu, Davao, General Santos City, Iloilo, Legazpi.
Kanselado din ang biyahe pa-Puerto Princesa, Zamboanga, Tuguegarao, Cauayan, Kalibo, Naga at mga flight pabalik ng Maynila.
Pinayuhan naman ng Cebu Pacific ang mga pasaherong naapektuhan ng mga kinanselang biyahe na magpa-rebook na lamang ng kanilang flights sa loob ng tatlumpung (30) araw mula sa orihinal na petsa ng kanilang alis o di kaya ay ipa-refund na lamang ito.
Una rito, nagpaliwanag ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na kinakailangan palawigin ang maintenance shutdown sa Tagaytay radar bunsod ng mga naantalang pagsasaayos dito bunsod ng masamang panahon.
By Ralph Obina