Sinibak ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang walong (8) district collectors at tatlumpung (30) section chief dahil sa kabiguan ng mga ito na mapatigil ang korapsyon sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Lapeña, patuloy pa rin ang bench marking o hindi tamang valuation sa mga produkto na dahilan ng tara o lagay.
Dagdag ni Lapeña hindi rin naabot ng mga sinibak na district collectors ang kanilang target na koleksyon.
Kabilang sa mga tinanggal sina Elvira Cruz ng Port of Cebu; Romeo Rosales ng San Fernando Port; Julius Premediles ng Port of Limay; Jose Naig ng Port of Iloilo; Carmelita Talusan ng Subic Port; Divina Garrido ng Legazpi Port; Halleck Valdez ng Zamboanga Port at Tomas Alcid ng Port of Aparri.
Sibak din ang tatlumpung section chiefs mula sa Formal Entry Division ng Port of Manila at MICP o Manila International Container Port.
Ang mga tinanggal na opisyal ay pansamantalang itatalaga sa iba’t ibang provincial collection district sa bansa.
(Ulat ni Aya Yupangco)
Photo Credit: BOC