Nagkasundo ang Senado at Kamara na ipasa ang kanilang mga natukoy na mga priority bills hanggang Disyembre 15 o bago matapos ang taon.
Ito ay matapos nang naging pagpupulong ng liderato ng Senado at Kamara sa Shangri-La Hotel kaninang umaga.
Ayon kina Senate President Koko Pimentel at Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, nasa tatlumput siyam (39) na mga mahahalagang panukalang batas ang kanilang napagkasunduan na bigyang prayoridad.
Kabilang sa mga priority bills ay ang National Budget para sa 2018, Tax Reform Package at National ID System.
Technical Working Group bubuoin para tutukan ang Charter Change
Bubuo ng Technical Working Group ang Kamara na tututok sa pag-amyenda ng saligang batas at pagsusulong ng Charter Changes.
Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, ang nasabing Technical Working Group ang siyang gagawa ng draft para sa panukalang pagkakaroon federal form of government.
Aniya, ito ay habang hindi pa nabubuo ang Constitutional Commission na kanilang iminumungkahi kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, sinabi ni Farñas na kanilang uunahing ipasa ang panukalang BBL o Bangsamoro Basic Law bago ang Charter Change dahil wala naman itinakdang deadline para dito.
Krista De Dios | Story from Cely Bueno / Jill Resontoc