Sugatan ang mahigit 30 pasahero ng isang bus na nahulog sa northbound lane ng Alabang viaduct ng South Luzon Expressway kahapon, pasado alas-6:00 ng gabi.
Ayon sa Manila Toll Expressway binabaybay ng Cher Transport Bus na may plakang TYX-504 ang expressway nang mawalan ito ng preno hanggang sa mahulog ito sa skyway ramp.
Ilan sa mga sugatang pasahero ay kinilala na sina Mafferson Bait, Rosita Crespo, Lizel Maravilla at Joana Maranan.
Ayon sa ulat 31 ang dinala sa OSMUN o Ospital ng Muntinlupa habang 9 naman sa Asian Hospital.
Ilang oras din isinara sa daloy ng trapiko ang northbound lane ng Alabang Exit dulot ng nasabing aksidente.
Pasado alas-8:00 ng gabi nang tuluyan maialis ang naaksidenteng bus sa naturang lugar.
Nakatakda namang maglabas ng preventive suspension order ang LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board laban sa bus company.
—-