Aabot sa halos tatlong libong katao ang nareskyu ng mga tauhan ng NCRPO Intelligence Group at Philippine National Police-Anti Cybercrime Group, mula sa isang bantay saradong gusali sa Las Piñas City.
Ayon sa PNP-ACG, nasa 1,534 na Pilipino at 1,190 naman na mga banyaga ang nailigtas na sinasabing mga nagtatrabaho sa isang online gaming pero posibleng mga biktima ang mga ito ng human trafficking.
Batay sa imbestigasyon, isang job posting online ang humikayat sa mga biktima na magtrabaho sa nasabing lugar kung saan, nasamsam din ang ibat-ibang uri ng mga armas.
Sinusuri na ng mga otoridad ang mga papeles ng mga biktimang nailigtas na kinabibilangan ng mga Pinoy, Malaysian, Singaporean, Chinese, Vietnamese at inaalam narin kung ano ang kanilang partisipasyon sa naturang operasyon.
Sa ngayon, naka-lockdown na ang nasabing gusali habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pinagsanib puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Immigration, NBI, DOJ, PNP, DSWD, DOH, at DFA para malaman kung sinu-sino ang nasa likod ng iligal na aktibidad; kung paano narecruit ang mga biktima at kung ginagamit ang mga ito sa love scam, investment scam, o crypto currency scam.