Nagbigay ang tanggapan ng Pangulong Rodrigo Duterte ng isang bilyong piso sa Department of Trade and Industry o DTI upang ipautang.
Ayon kay Department of Trade Undersecretary Ted Pascua, bago matapos ang buwang ito, lalarga na ang programang 3P o Pondo para sa Pagbabago at Pag-asenso.
“Yung final rules nito (3P Program) ilalabas rin natin, na hindi matatapos ang buwan hanggang, na hindi nailalabas ito, ayaw ko na lang pangunahan ang aming kalihim si Secretary Mon Lopez pero before the end of the month lalabas na kami, lalabas na siya at kanya nang sasabihin ang final rules”, pahayag ni Pascua.
Sa ilalim ng programang 3P, maaari aniyang magpautang ng mula P5,000 hanggang P300,000, na hindi hihigit sa 26% na interes ang ipapataw.
“Roughly, ang mga lumilitaw ngayon diyan ay parang mga from P5,000 to P300,000 ang pwedeng ipa-utang minsanan. Itong ponding ito ay nakalaan na, nasa DTI na, ito’y ipapahiram sa micro and small enterprises. Ito’y nagri-range from P5,000 to P300,000 between 23 or 22 up to 26% per anum”, ani Pascua.
Ayun kay Pascua, uunahin muna ang mga lalawigang matutulungan kaagad dahil sa mataas na poverty range nito.
“Yung ating 1 bilyon yan ay uunahin muna natin yung mga lalawigan natin na mataas ang incidents ng poverty, wag muna nating asahan kaagad na, Metro Manila, unahin muna natin yung mga talagang matutulungan kaagad yung kanilang mga lalawigan dahil nga mataas ang poverty range at yan ay i-lo-launch ng ating kalihim doon sa mga lugar, fina-finalize na yan at magkakaroon ng representation isa sa bandang Luzon, isa sa Visayas at isa sa Mindanao”, pahayag ni Pascua.
Binanggit aniya, kung maganda ang kakalabasan ng naturang programa, sinabi ng Pangulo na maaaring mapahiram ng P1 Billion ang lahat ng rehiyon.
“Kung maganda ang ating programa pati pag manage nito, sabi ng Pangulo’y maaaring i-increase ito next year na lahat ng rehiyon ay mabigyan ng isang bilyon para mapakalat sa kanilang mga constituents doon sa rehiyon na iyon”, ani Pascua.
Klinaro rin ni Pascua na ang perang ipinagkaloob ng tanggapan ng Pangulong Duterte ay hindi dole out o grant at kailangan itong ibalik upang maipautang ulit sa mga maliliit na negosyante.
“Hindi dole out ito, ito’y talagang ibabalik”, pagka-klaro ni Pascua.
By: Avee Devierte / Race Perez
Credits to: Balita Na, Serbisyo Pa program sa DWIZ mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido