Siniguro ni Department of Information and Communications Technology o DICT acting Secretary Eliseo Rio Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte na maaari nang gamitin ng mga mobile phone users ang serbisyo ng ikatlong telco player sa kalagitnaan ng 2019.
Ginawa ni Rio ang pahayag matapos na kamustahin at matanong ni Pangulong Duterte ang naging development sa telco project ng gobyerno na bubuwag sa kasalukuyang duopoly ng dalawang higanteng telcos sa bansa.
Ipinag-utos naman ng Pangulo kay Rio, na tutukan lamang ang kanyang trabaho at huwag intindihin ang mga nagpapabagal sa pagsisimula ng operasyon ng third telco player.
Ayon sa Chief Executive, isa sa nagpapa-antala kasi dito ay ang paghingi ng temporary restraining order sa korte na nagiging gatasan o pinagka-kwartahan lamang ng ilang nasa hudikatura.
Ipinaalala naman ng Pangulo kay Rio na tiyaking hindi mahahaluan ng katiwalian ang itinutulak ng administrasyon na ikatlong telco player nang sa gayun aniya, matuldukan na ang paghahari ng dalawang giant telco company.