Kalunus-lunos ang sinapit ng 4 na indibiduwal kabilang na ang isang bata sa makaraang tambangan ng 4 na salarin sa Zamboanga City.
Batay sa ulat na ipinarating ng Zamboanga City Police Office sa Kampo Crame, nangyari ang karumal-dumal na krimen sa bahagi ng Tugbungan sa nabanggit na lungsod ala-sais kuwarenta kagabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Alih Ibno, Fatima Raddaie, Rana Raddaie at ang batang si Aliyanna Ibno na pawang mga residente ng Villa Teressa sa Brgy. Mampang.
Sa paunang pagsisiyasat ng Pulisya, sakay ang mga biktima ng isang SUV at binabagtas ang isang rough road nang tambangan sila ng mga salaring sakay ng 2 motorsiklo.
Tadtad ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na ayon sa mga imbestigador ay tila binaril ng malapitan at isa-isang binaril sa ulo.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang 16 na basyo ngh 9mm kalibreng baril, 6 na basyo ng M16 maging ang tingga ng mga ito.
Naproseso na ng Scene of the Crime Operatives o SOCO ang labi ng mga biktima habang nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa krimen at inaalam kung ano ang pagkakakilanlan gayundin ang motibo ng mga salarin. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)