Ipatutupad ng Iloilo City Government ang rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) na four-day work week sa mga kawani ng city hall.
Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sisimulan ang implementasyon ng 4-day work week dalawang lingo mula ngayon.
Aniya, layon nitong makatipid sa kuryente at maibsan ang pasanin ng mga empleyado sa gitna ng walang prenong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Maliban dito, mabibigyan din aniya ng panahon ang mga empleyado na makapag-adjust sa kanilang schedules sa trabaho at kanilang tahanan.
Samantala, sinabi pa ng alkalde na gagamit din sila ng mga modernong jeep upang maihatid ang mga empleyado mula sa district plazas patungo sa city hall at pabalik araw-araw.
Pag-aaralan din aniya nila ang iba pang hakbang upang makatipid sa enerhiya ang siyudad.