Muling isinusulong ng isang kongresista ang compressed work week o pagbabawas ng araw ng trabaho ng mga manggagawa sa loob ng isang linggo bilang solusyon sa problema sa trapiko sa EDSA.
Ayon kay Baguio City Representative Mark Go, mas matutulong para maibsan ang sikip ng trapiko sa mga lansangan sa Metro Manila partikular sa EDSA kapag ginawa na lamang apat na araw ang pasok sa trabaho.
Kumpara aniya ito sa panukala ng MMDA o Metropolitan Development Authority na pagbawalan ang mga provincial bus sa EDSA.
Iginiit ni Go, nasa dalawang porsyento lamang o katumbas ng lima hanggang anim na libo mula sa kabuuang mahigit 360,000 mga sasakyang dumadaan sa EDSA ang mga provincial buses.
Magugunitang isinulong na rin sa nakaraang Kongreso ang panukalang 4-day work week na kapwa nakapasa sa Senado at House of Representatives pero nabigong maratipikahan matapos na hindi magkasundo ang dalawang kapulungan sa pagkakaiba ng kani-kanilang mga bersyon.
Maliban dito, iminumungkahi rin ni Go ang pagbabawal sa mga taxi na maghintay ng pasahero sa tapat ng mga terminals sa EDSA gayundin ang pagpapatayo ng karagdagang linya ng MRT.