Patay ang apat na drug suspek matapos mauwi sa engkuwentro ang ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) – Regional Intelligence Division, Drug Enforcement Group at Taguig City Police sa C6 Road, Taguig City.
Kinilala ang dalawa sa nasawi na sina Christopher Ocarol, alyas “Riking” at Allan Catalan na kapwa target ng operasyon, habang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng dalawa pang kasamahan ng mga ito.
Ayon kay Taguig City Police Chief Col. Celso Rodriguez, kilalang drug lord sa Central Visayas sina Ocarol at Catalan simula pa noong 2000.
Nakulong na aniya ang dalawa sa New Bilibid Prison at Cebu City Jail pero na-dismiss ang kaso noong 2015.
Sinabi ni Rodriguez, nakapagpapadala sina Ocarol at Catalan ng umaabot sa 50-kilo ng shabu mula Visayas patungong Luzon.
Nasabat sa mga suspek ang tinatayang nasa 40-kilo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa Chinese tea packs at nagkakahalaga ng P272-milyon.
Pinaniniwalaan namang nanggaling ang kanilang suplay sa isang miyembro ng tinaguriang “Bilibid 14″ na kasalukuyang nakakulong sa Taguig.