Patay ang isang pamilya sa bayan ng Caibiran sa Biliran matapos salpukin ng trak ang sinasakyan nilang traysikel.
Kinilala ng Biliran Regional Headquarters ng Philippine National Police (PNP), ang mga biktima na sina Jimmy Agosto, asawa nitong si Solidad at kanilang anak na sina Jameson at Jonalyn.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, pauwi na sana ang mga biktima sa kanilang bahay sa Barangay Maurang pasado alas-6 ng gabi, nang banggain sila ng isang trak na minamaneho ni Benigno Garcia.
Tinangka umanong mag-overtake ni Garcia sa isang traysikel pero naararo naman nito ang sinasakyan ng mga biktima.
Agad namang dinala sa Biliran Provincial Hospital ang mga biktima pero idineklara itong dead on arrival.
Sa ngayon, nakakulong na sa Caibiran Municipal Station ang driver ng trak na lumabas na lango sa alak, at sasampahan ng kasong multiple homicide.