Apat lamang sa sampung napatay na mayor sa ilalim ng Duterte administration ang kasama sa narco list ng pamahalaan.
Nilinaw ito ng Department of Interior and Local Government sa harap ng magkasunod na pagpatay sa mayors ng Tanauan, Batangas at General Tinio, Nueva Ecija.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, may mahigit 100 mayor at higit 200 punong barangay ang nasa drug watchlist na hawak ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Ang mga napatay anyang iniuugnay sa illegal drugs ay sina Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr, Tanauan City Mayor Antonio Halili, Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsudin Dimaukom at Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.
Samantala, sinabi ni Diño na wala sa narco list ang anim pang napatay na alkalde mula nang maglabas ng narco list si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito anya ay sina Pantar Mayor Mohammad Exchan Limbona, Marcos Mayor Arsenio Agustin, Bien Unido Mayor Gisela Bendong-Boniel, Balete Mayor Leovino Hidalgo, Buenavista Mayor Ronald Lowell at General Tinio Mayor Ferdinand Bote.