Bukas na sa mga motorista ang 4 sa 5 malaking kalsada paakyat ng Baguio City na una nang isinara dahil sa pananalasa ng bagyong Lando.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), natapos na ang clearing at repair operations nila sa mga nasabing major roads.
Gayunman, nananatili pa ring sarado ang Kennon Road bagamat tuluy-tuloy naman ang clearing operations dito.
Kasabay nito, ipinabatid ng DPWH na sarado rin sa mga sasakyan ang bahagi ng ilang lansangan sa Northern Luzon tulad ng Abra-Ilocos Norte Road.
Power supply
Samantala, hindi pa rin naibabalik ang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Baguio City at Benguet, 4 na araw matapos bayuhin at pataubin ng bagyong Lando ang mga poste ng kuryente rito.
Ayon sa Benguet Electric Cooperative, sinira ng bagyong Lando ang 64 na linya ng kuryente sa Baguio City at Benguet.
Sa pinakahuling report ng Power Cooperative, 70 porsyento ng power supply sa Baguio at Benguet ay naibalik na.
By Judith Larino